150 nurses, ipapakalat sa 4 na rehiyon para mag-monitor sa dengvaxia patients

MAGPAPAKALAT ang Department of Health (DOH) ng may 150 nurses sa Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila at Central Visayas upang siyang tumutok sa kondisyon ng mga batang naturukan ng Dengvaxia sa mga naturang rehiyon.

Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, aprubado na ni Health Secretary Francisco Duque III ang may 150 nurses na itatalaga sa apat na rehiyon.

Ang naturang mga nurses ay nabatid na kabilang sa 500 nurses na kabuuang deployment sa bansa.

Gayunman, ang nalalabing 350 nurses pa ay itatalaga sa sandaling aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hiling ng kagawaran na gamitin ang naibalik na P1.16 bilyon ng Sanofi Pasteur sa gobyerno.

“Ang total nito is 500. So initially the Secretary (Duque) already approved 150 and this is already… na spread na sila sa region. Doon sa region 3, 4a, NCR, and Cebu,” ani Domingo. “Kaya lang.. kasi yon kaya pa ng budget namim from our nurse–deployment program pero yung additional na 350 hinihintay pa namin yung P1.16 Billion kasi medyo malaki. Yung suweldo nila parang regular ng deployment programs natin. And we’re going to use yung… Yung suweldo nun manggagaling sa reimburse ng Sanofi for the unused vaccines.”

“So, yung original na 150 iyon yung nauna na natin from the regular budget of the DOH doon sa deployment program natin. Yung 350 ayun yung awaiting pa natin na go signal from Congress for us to use the money,” paliwanag pa niya.

Nilinaw rin naman ni Domingo na for hiring pa lamang ang 350 nurses na idedeploy sa mga komunidad, schools at mga pagamutan upang alamin ang lagay ng mga batang naturukan ng bakuna, habang ang 150 ay nagsa-surveillance na.

Batay sa tala ng DOH, mahigit 830,000 bata ang nakatanggap ng naturang bakuna mula nang simulan ang anti-dengue immunization program noong Abril 2016.

Sa kasalukuyan, 65 na sa nabanggit na bilang ang namatay matapos maturukan ng naturang anti-dengue vaccine, ngunit hindi pa naman tukoy kung Dengvaxia nga ang dahilan ng kanilang pagkamatay.

Samantala, aabot naman sa P22 milyon ang inilabas na pondo ng kagawaran para magsilbing medical assistance sa 3,281 bata na nagkasakit matapos turukan ng bakuna. MACS BORJA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply