Boracay wala nang turista

OPISYAL na sarado na para sa mga turista ang pinakasikat na holiday island sa Pilipinas, ang Boracay.

Sa report, sinimulan kahapon, Huwebes, ang anim na buwang clean-up, na ipinag-utos ng gobyerno, dahil nasalaula umano ito.

Nakatalaga sa paligid ng isla ang mga patrol boats ng coast guard at ang mga armadong pulis naman ay nagbabantay sa mga entry points.

Matatandaang naging napakarumi ng isla dahil sa komersyalisayon at overdevelopment.

Ayon kay Regional police head Cesar Binag, eksaktong alas dose ng hatinggabi noong Huwebes sinimulang ipagbawal ang pagpasok ng mga turista sa Boracay.

Gayunman, hindi umano nila ipinasara ang mga establisimyento ngunit wala nang makapapasok na turista sa loob ng anim na buwan bilang pagtupad sa kautusan ni Pres. Rodrigo Duterte.

May 600 armadong pulis ang nakatalaga sa isla upang magbantay sa mga lalabag.

Matatandaang iniatas ni Duterte na pansamantalang ipasara ang isla matapos mapatunayang nasalaula nga ang Boracay dahil sa mga negosyong tourism-related na hayagang nagtatapon ng basura sa dagat.

Mga residente lamang na may ID cards ang pinapayagang sumakay sa mga ferries patungong Boracay, na tahanan ng mga 40,000 katao.

Noong Miyerkules ng gabi nagsagawa ng pagtitipon ang mga residente at turista sa dalampasigan ng tinatawag na “party island” bilang pamamaalam.

Ngunit noong Huwebes, naiwan ang paraisong isla sa mga residente na umaasang babalik ang mga turista anim na buwan mula ngayon.

Ayon kat John Reymar, isang restaurant cook, inaasahan niyang babalik ang dating linis at ganda ng islang paraiso na nakita niya noong una siyang makatuntong sa Boracay.

Ipinangako naman ng gobyerno ng Pilipinas na sasamantalahin nila ang anim na buwang repreive upang maibalik ang dating linis at ganda ng 1,000-ektaryang paraisong nasira ng mga tao.

Plano umano nilang walisin ang mga ilegal at wasak na istraktura, upang maging malinis ang dalampasigan.

Gayunman, hindi pa malinaw kung magagamit dito ang may 30,000 kataong nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng isla.

Nangako si Duterte ng mahigit P200 milyong pondo upang matulungan ang mga trabahador na nawalan ng trabaho ngunit hindi pa umano ito dumarating.

Ang nasabing mga trabahador ay nagtungo sa Boracay noong 2006 dahil sa magandang takbo ng negosyo dito at malaking sweldong alok ng mga negosyante.

Abot sa dalawang milyon taon-taon ang dumarayong turista sa Boracay na karamihan ay Chinese at Korean.

Abot sa isang bilyong dolyar ang naiambag ng Boracay sa ekonomiya ng bansa noong isang taon.

Gayunman, dahil sa dami ng turista, hindi na namonitor ng gobyernong lokal ang tamang pagtatapon ng basura.

Nakapagtayo rin ng istraktura ang ilang establisimyento sa mga bawal na lugar, kaya nasira ang natural na ganda ng isla, sanhi upang mapilitan ang gobyernong pansamantala itong ipasara. NENET L. VILLAFANIA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply