LAGOT ANG MGA POLITIKO AT LINGKOD NG BAYAN

ANG daming naglalaba­sang magaling sa analysis o nagkukunwaring ma­husay sa batas matapos lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na nagpatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng Quo Warranto case na isinampa ng Solicitor Ge­neral.

Lahat ay ayaw patalo. Lahat ay nagpapalagay na tama sila sa kani-kanilang opinyon. May nagkakamurahan na at nag-aaway sa social media.

Anyway, ganyan naman talaga tayong mga Pinoy. Nagtatalo-talo para sa isang tao.

Para sa akin, napakaganda nito. At least, aware tayo sa mga nang­yayari sa ating bayan. Totoong nakabantay sa mga isyu.

At talaga nga namang napakagandang senaryo nito dahil ang sumipa mismo kay Sereno ay ang kan­yang mga kasama sa hudikatura.

Kauna-unahan itong pangyayari sa ating bansa. Sila-sila sa isang lungga ay nagkakagatan.

Sabi ng ilan, mali na ang mga bumoto sa pag­sipa kay Sereno ay kanyang mga kasamahan dahil una pa ma’y galit na sa kanya ang mga ito. Personalan daw.

Dapat daw, sabi ng mga nagmamaktol, si Sereno ay sinipa sa pa­mamagitan ng Impeachment. Ito raw ang ligal at nasa Konstitusyon.

Kung sa Impeachment kaya nasipa si Sereno, tiyak ba na walang ali­ngas­ngas kagaya ng nangyayari ngayon?

Hindi ba’t siguradong may sasabihin na naman ang mga magagaling na mauuwi pa rin sa balitaktakan? May away-away pa rin at wala talagang pupuntahan?

Susumbatan ang tumayong senator-judges at aakusahang nabayaran o nalagyan kapag hin­di tugma sa ilang paniniwala ang kanilang na­ging desisyon.

Pero sa totoo lang, kung hindi nga lang sa quo warranto, ay matagal nang gustong sipain si Sereno kahit ng mga ka­wani at empleyado ng SC dahil nga raw sa pag-abuso sa kapangyarihan.

Kung ang isang ma­nager sa isang kompanya ay maraming kagalit na mga kasama, aba’y malaki talaga ang kanyang problema. Siguro, salbahe at sinungaling. Pagtutulungan talaga.

Pinatalsik si Sereno dahil sa pagsisinungaling sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth. Bukod pa rito ang iba’t iba pang aku­sasyon sa kanya.

Mga kabarangay, hindi tayo dapat magpadala sa sinasabing ang pagsipa kay Sereno sa Korte Suprema ay pagyurak, pagwasak at pagpapahina sa ating hudikatura.

Sa aking palagay, sa aking mababaw na pag-aanalisa sapagkat hindi naman po tayo abogado, lalo pa ngang lumakas ang kapangyarihan ng Korte Suprema.

Bukod sa Impeachment, maaari na palang sipain ang isang impeachable official sa pamama­gitan ng quo warranto pe­tition. At mabilis pa. Hindi ubos ang oras ng mga mambabatas.

Dangan kasi, sa pro­sesong Impeachment, ma­aaring makapaglaro ang mga kasapi ng Kongreso. Marami pang cheche-bureche. Kung sino ang ma­yorya sila ang panalo.

At sa Impeachment, diyan pumapasok ang su­hulan. Halimbawa, kung Presidente ang gustong sipain, maaari niyang paganahin ang kanyang kapangyarihan at impluwensiya. Hindi siya mata­talsik kung sa kanya ang numero.

Kung may suhulan man sa quo warranto, ka­unti lang. Hindi kagaya sa Kongreso, ang daming aayusin. Higit sa isyung ito ay ang mga aral na dapat matutunan ng mga politiko at nasa gobyerno. Huwag silang luluko-luko sa kanilang SALN at baka sila ma-Sereno.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply