₱2B inilaan para sa Libreng Sakay program sa 2023 – Angara

₱2B inilaan para sa Libreng Sakay program sa 2023 – Angara

December 6, 2022 @ 4:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara nitong Martes na naglaan ng ₱2 bilyon para sa EDSA busway Libreng Sakay program ng pamahalaan sa ilalim ng bersyon ng bicameral conference committee sa panukalang 2023 budget.

“Yes, there is. I think it is around ₱2 billion or so because it is a very good program that helps a lot of people,” pahayag ni Angara.

Nakatakda sanang matapos ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel ngayong taon dahil sa kakulangan ng pondo.

Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman noong Setyembre na walang inilaan na budget sa programa para sa 2023 dahil “non-recurring” umano ito at hindi bahagi ng regular na programa ng pamahalaan.

Inisyal na inihirit ng Department of Transportation (DOTr) ang ₱12 bilyon para sa programa sa 2023, subalit hindi naisumite ang mga kinakailangang dokumento sa initial budget deliberations sa DBM, dagdag ni Pangandaman.

Dahil walang alokasyon sa bersyon ng budget na nauna nang isinumite, inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong nakaraang linggo na nakasalalay na sa Kamara kung maglalaan ng budget ang mga mambabatas para sa libreng sakay sa EDSA.

Sa kasalukuyan ay wala pang tugon ang DOTr ukol dito.

Para sa taong ito, naglaan ng ₱2.1 bilyon para sa EDSA busway free ride program mula sa 2022 budget ng DOTr, at ₱1.4 bilyong karagdagang pondo mula sa DBM na ipinalabas noong Agosto.

“There is a restoration in the bicam of some of the ongoing transportation and future transportation projects because we need to play catch up,” sabi ng senador. RNT/SA