0.88% drug conviction rate aaksyunan ni Abalos

0.88% drug conviction rate aaksyunan ni Abalos

September 1, 2022 @ 5:08 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Interior Secretary Benhur Abalos na gagawa siya ng kaukulang hakbang para tugunan ang mababang conviction rate sa illegal drugs cases.

“Noong pag-upo ko bilang Secretary, yan agad ang binigyan ko ng pansin. Inuuna ko yan,” ayon kay Abalos.

Sa House hearing ng Committee on Dangerous Drugs, araw ng Miyerkules, sinabi ni PNP deputy chief for operations Police Major General Benjamin Santos na pumalo lamang sa 0.88% ang conviction rate sa kaso ng ilegal na droga.

“The PNP has 0.88 percent conviction rate based on the number of cases filed by the PNP. That’s less than 1 percent,” ayon kay Santos sa House panel.

Ani Santos, karamihan sa mga kaso ay na-dismiss dahil sa technicality kasama rito ang paghawak sa mga ebidensiya.

Ani Abalos, maraming kaso ang nadismis dahil sa kakulangan ng testigo.

At upang maiwasan ito, tinawagan ng pansin ni Abalos ang local governments na magtalaga ng Department of Justice personnel na magsisilbing testigo.

Sa ilalim ng batas, “authorities should have witnesses from the barangay government, members of the media, and DOJ personnel in their anti-drug operations.”

Ipinanukala rin ni Abalos ang online hearing ng mga kaso para sa mga police officers na hindi magagawang dumalo, “physically” sa legal proceedings dahil sa balidong kadahilanan.

Binalaan naman nito ang mga pulis na maparurusahan na mabibigo namang magpakita sa hearing ng walang balidong rason.

Aniya pa, masusi namang babantayan ng mga awtoridad ang mga laboratoryo at forensic evidence upang masiguro ang “conviction” ng drug suspects.

Tinawagan din niya ng pansin ang PNP hinggil sa kanilang magiging reports na dapat ay kasama sa ongoing drugs cases.

Aniya, sinabi sa kanya ng isang police official na ang dapat lamang na kasama sa reports ay “convictions at acquittals.”

“Kasi ang ginawa ng PNP cases filed tapos cases ano na naisama pa dito yung ongoing daw yang ang sinabi ng chief of police kaya naturally tataas. Kaya nga I will call their attention to this ayusing maigi,” ayon kay Abalos. Kris Jose