1.226M customer apektado ng pagkawala ng kuryente kay #KardingPh – Meralco

1.226M customer apektado ng pagkawala ng kuryente kay #KardingPh – Meralco

September 26, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Manila Electricity Co. (Meralco) na apektado ng power interruptions dahil kay bagyong Karding (international name: Noru) ang mahigit 1.226 milyong customer hanggang nitong Lunes ng umaga.

Sinabi ni Meralco na naapektuhan ng “momentary and sustained” power interruptions ang 1.226 milyong customer sa lahat ng franchise area niton mula noong Linggo.

Hanggang nitong Lunes ng umaga, 51,773 customer ang apektado ng pagkaantala, kung saan karamihan ay nasa Bulacan, Rizal, at Marikina.

“Our crews continue to work round the clock in order to restore power at the soonest possible time,” abiso nito.

Inilahad ng Meralco nitong weekend na naka-standby ang sistema at tauhan nito dahil sa posibleng power outages dahil kay Karding.

Batay sa datos ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ilang transmission lines ang hindi gumagana mula alas-9 kaninang umaga.

Kabilang dito ang Cabanatuan-San Luis 69kV Line, Cabanatuan-Fatima 69kV Line, Cabanatuan-San Isidro 69kV Line, Cabantuan-Bulualto 69kV Line, Concepcion-Camiling 69kV Line, Hermosa-Floridablance 69kV Line, at Famy-Comon 69kV Line.

Hindi rin available ang apat na 230kV lines hanggang kaninang alas-9 ng umaga, partikular ang Mexico-Hermosa Line, San Rafael-Cabanatuan Line, Pantabangan-Cabanatuan Line, at Mexico-Concepecion Line.

Ang sentro ng mata ni Karding ay namataan sa 190 kilometro kanluran ng Dagupan City sa bulletin ng PAGASA, habang nakataas ang tropical cyclone wind signal (TCWS) No. 2 sa bahagi ng Pangasinan at Zambales. RNT/SA