1.2M marijuana nasabat sa Nueva Ecija

1.2M marijuana nasabat sa Nueva Ecija

June 29, 2022 @ 4:59 PM 1 month ago


NUEVA ECIJA – Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Peñaranda Police Station katuwang ang Police Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU), Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), sa pakikipag-tulungan na rin ng Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA), ang tatlo katao kabilang ang isang babae na umano’y mga tulak ng iligal na droga, sa bayan ng Peñaranda.

Sa ulat ni P/Capt. Ricardo M. Salomon Jr., hepe ng Peñaranda police station, kay Nueva Ecija director, P/Col. Jess B. Mendez, kinilala ang mga nakalabosong suspek na sina Eddie Boy Pabia, 21; Aila Marie Cab, 22, kapwa residente ng Barangay San  Josef, Peñaranda at tubong Brgy. Bag Bag, Lapu Lapu City, Cebu; at Jeric Jhon Pabia, 21, ng Brgy. San Josef, Peñaranda.

Sa report ng pulisya, ganap na 5:00 ng hapon ng maaresto ang mga suspek sa ikinasang operasyon kontra droga, sa Brgy. Poblacion 1, nabatid na lugar.

Ayon kay Salomon ay matagal na nilang tinitiktikan ang galaw ng mga suspek. At ng makakuha ng pagkakataon ay nakabili umano ang kanilang poseur buyer ng hinihinalang dried marijuana mula sa mga suspek.

Narekober mula sa mga hinihinalang suspek ang (11) Bricks plastic wrapped ng dried marijuana leaves at dried fruiting tops; (2) Rounds plastic wrapped ng dried marijuana leaves at fruiting tops; (6) pakete ng transparent plastic sachets zip lock na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana at fruiting tops; (1) piraso ng kulay puti na timbangan; (1)  piraso ng UV powder  dusted genuine  Php1,000.00 bill  kasama ang (24) piraso ng 1,000.00 pesos boodle money; (1) unit ng Honda TMX tricycle na kulay itim at walang plaka; at (1) unit ng android cellular phone na umanoy ginagamit ng mga suspek sa pakikipag-transaksyon sa kanilang mga parokyano.

Tinatayang nasa humigit kumulang sa 10 kilo ang nasamsam na marijuana mula sa mga suspek at nagkakahalaga ng nasa Php1,200,000.

Dagdag pa ni Salomon na kung gagawa umano ng mga iligal ay lisanin na ang bayan ng Peñaranda dahil hindi aniya titigil ang kapulisan upang lipulin ang ganitong gawain.

Ayon naman kay Nueva Ecija director, Col. Jess Mendez, na patuloy umano natin na pasiglahin ang ating pagsisikap na puksain ang mga iligal na droga sa lalawigan ng Nueva Ecija, sa direktiba pa rin ni PBGen. Matthew P. Baccay, RD PRO3.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Nueva Ecija Provincial Forensic Unit, Cabanatuan City para sa laboratory examination.

Habang, kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II, Republic Act 9165 ang kakaharapin ng mga suspek. Elsa Navallo