1.3M 4Ps BENEFICIARIES TATAPYASIN NG DSWD

1.3M 4Ps BENEFICIARIES TATAPYASIN NG DSWD

July 22, 2022 @ 2:13 PM 2 weeks ago


SERYOSO si DSWD Secretary Erwin Tulfo na ipatupad ang malawakang pagrepaso ng ilang mahahalagang programa sa kagawaran alinsunod sa kautusan ni Pangulong FerdinandMarcos, Jr.

Kabilang dito ang pagtabas ng mahigit isang milyong benepisyaryo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program dahil hindi na karapat-dapat pang bigyan ng ayudang ito ng gobyerno bunsod sa hindi na sila napapaloob sa mahihirap na pamilya.

Kagaya ng mga pamilyang ilang taon na ring benepisyaryo ngunit grumadweyt na at naging guro o empleyado ng gobyerno ang kanilang mga anak na dahilan naman sa unti-unting pag-ahon sa kahirapan ng mga kaanak.

Andyan din ang mga pamilyang hindi na kwalipikadong beneficiaries subalit hindi pa rin sinusurender ang Conditional Cash Transfer cards sa ahensya at patuloy pa ring tumatanggap ng tulong  habang ang iba nating kababayan na higit na nangangailangan ay patuloy na  nagtitiis.

Hindi biro ang 15 bilyong pisong tinatanggap pa ng 1.3 milyong benepisyaryong umaasa pa rin sa pamahalaan sa halip na pakinabangan ang naturang halaga ng mga pamilyang itinuturing na miserable ang buhay batay sa ulat ng World Bank kamakailan.

Sa pamamagitan nito, maliwanag pa sa sikat ng araw na seryoso si Pangulong Bongbong sa ipinangako sa sambayanan bago pa man nanalo na unti-unti niyang ibabangon mula sa kahirapan ang mamamayan subalit ‘yung pinaniniwalaang mahihirap na pamilya at hindi ang mga indibidwal na sumisigaw ng kahirapan pero marangya ang buhay.

Bagaman hindi kumbinsido ang ilan sa programa ng 4Ps dahil mas lalo raw na nagiging tamad ang taumbayang umaasa na lang sa buwanang ayudang mula sa ahensya ngunit malaki pa rin ang naitulong nito sa mga pamilyang nagamit ang kanilang kwartang tinatanggap upang mapagtapos ang mga anak sa kolehiyo at bread winner na ngayon.

Sa madaling sabi, mahalagang papel pa rin ang ginagampanan ng 4Ps upang tugunan ang lumalalang kahirapan sa bansa. Mabuting mapunta ang kwarta ng gobyerno sa mga nasa laylayan ng lipunan kesa sa mga proyektong napupunta lang ang buwis ni Juan dela Cruz sa mga mandarambong sa pamahalaan.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]