1.49-M dayuhan bumisita sa unang 2 buwan ng 2019; 6% growth rate, naitala

1.49-M dayuhan bumisita sa unang 2 buwan ng 2019; 6% growth rate, naitala

April 10, 2019 @ 5:04 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Iniulat ng Department of Tourism (DOT) na umaabot sa may 1.49 milyong dayuhang turista ang bumisita sa bansa sa unang dalawang buwan lamang ng taong ito.

Ayon kay Tourism Undersecretary Benito Bengzon Jr., mula Enero hanggang Pebrero ay umabot sa 1,490,255 international visitor arrivals ang kanilang naitala, na mas mataas kumpara sa 1,406,337 lamang na naitala nila noong nakaraang taon.

“Growth rate natin is about six percent. Maganda ang takbo natin so far,” ani Bengzon, sa isang forum sa Maynila kahapon.

Nabatid na ang South Korea ang nananatiling top international tourist market sa bansa na may 180,890 arrivals.

Pangalawa naman ang China na may 174,175 turista, habang pangatlo ang Estados Unidos sa bilang na 94,632.

Sumunod naman ang Japan (64,365); Taiwan (30,648); Canada (22,272); Australia (21,571); United Kingdom (16,999); France (12,934); at Malaysia (12,862).

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, malaki ang naitulong ng pagbubukas ng international airports sa Mactan, Cebu at Bohol para makaakit ng mga foreign tourists sa Pilipinas.

Kaugnay nito, sinabi ng DOT na target nilang magkaroon ng 8.2 milyong foreign tourist arrivals sa bansa bago matapos ang taong ito. Macs Borja