1.8M Pinoy target sanayin ng TESDA sa tech-voc courses sa 2023

1.8M Pinoy target sanayin ng TESDA sa tech-voc courses sa 2023

January 30, 2023 @ 5:07 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Target ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na sanayin ang nasa 1.8 milyong Filipino sa iba’t ibang technical-vocational (tech-voc) courses ngayong taon.

Sa pinakahuling interview, sinabi ni TESDA Director General Danilo Cruz na nakatutok ang ahensya na mapabuti ang bilang ng mga mag-eenroll, magtatapos, sasailalim sa assessment at sesertipikahang TVET scholars.

Noong 2022, nasa kabuuang 1,261,244 ang nag-enroll sa iba’t ibang tech-voc courses kung saan 1,231,289 sa mga ito ang nakapagtapos. Bilang pagpapatuloy,
907,244 ang sumailalim sa assessment habang 844,368 ang sinertipikahang skilled workers.

Ayon pa kay Cruz, produkto ito ng 183 TESDA Technology Institutions, 250 public TVET providers, at 4,197 privately-run tech-voc institutions nationwide.

“As these registered programs comply with the Training Regulations that TESDA developed in close coordination with industry, their graduates are job-ready, with the right skills and knowledge needed by employers,” sinabi ni Cruz.

Samantala, sa preliminary results ng 2022 Study on the Employment of TVET Graduates (SETG), lumabas na walo sa 10 graduate ng technical vocational education and training (TVET) sa bansa ay nakahanap agad ng trabaho. RNT/JGC