‘1 Million Praying the Rosary’ isasagawa online

‘1 Million Praying the Rosary’ isasagawa online

October 17, 2022 @ 5:32 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umaasa si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na pahahalagahan ng mananampalataya ang pagdarasal ng Santo Rosaryo.

Ang mensahe ng Kardinal ay para sa gaganaping One Million Children Praying the Rosary ng Pontifical Foundation – Aid to the Church in Need (ACN) na gaganapin online bukas, Oktubre 18.

Sinabi ni Advincula na magandang regalo sa Mahal na Ina ang inisyatibo ng ACN lalo’t pagbubuklurin sa panalangin ng Santo Rosaryo ang mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Batid ng Arsobispo na sa pamamagitan ng rosaryo ay tinuturuan ng Mahal na Birhen ang sangkatauhan na maging matiyaga at tapat sa buhay pananalangin.

Nilinaw naman niya na bagama’t naiuugnay kay Maria ang pagro-rosaryo, ito naman ang paraan ng Mahal na Ina na ituon ang tao kay Hesus na nagligtas sa sanlibutan.

Una nang umapela si Pope Francis sa makikilahok sa One Million Children Praying the Rosary na ipanalangin ang natatanging intensyon na mawakasan na ang digmaan sa Russia at Ukraine na nakapipinsala hindi lamang sa mamamayan kundi sa pandaigdigang ekonomiya.

Pangungunahan ng ACN Phlippines katuwang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang aktibidad na ito na mapapanuod sa social media page ng ACN – Aid to the Church in Need, TV Maria at iba pa.

Inaanyayahan ng ACN ang mga estudyante, paaralan, institusyon at maging ang mga pamilya na makiisa sa pagdarasal ng Santo Rosaryo sa natatanging intensyon na mawakasan ang karahasan, pandemya at paghilom ng sanlibutan. Jocelyn Tabangcura-Domenden