1 milyong vaccinee sa Pinas kada linggo – Galvez

1 milyong vaccinee sa Pinas kada linggo – Galvez

June 1, 2021 @ 7:33 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Nakamit ng Pilipinas ang “highest rate and tempo” ng COVID-19 vaccine administration sa ASEAN Region.

Ito ang pagmamalaking inihayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi.

Sa katunayan, ani Galvez ay nakapagbakuna ang bansa ng isang milyong indibidwal kada linggo sa nakalipas na dalawang linggo.

Sinabi ni Galvez na ang Pilipinas ay kabilang sa apat na bansa na nagpakita ng “adequate level of accountability” sa unang bahagi ng COVID-19 fiscal policy responses, ayon sa report na ipinalabas ng independent group na International Budget Partnership.

Ang Pilipinas, kasama ang mga bansang Australia, Norway, at Peru ay tanging mga bansa na natamo ang “adequate level of accountability” sa mga naunang COVID-19 fiscal policy responses.

Dahil dito, inaasahan ng bansa ani Galvez ang steady vaccine supply mula sa COVAX facility “with over two million doses monthly.”

Idinagdag pa niya ang vaccine supply ng AstraZeneca, Moderna, Sinovac, at Sputnik V ay mai- stabilize naman sa buwan ng Hulyo.

Sinabi pa ni Galvez na nangako ang Estados Unidos na isasama ang PIlipinas sa mga top beneficiaries ng 80 million doses ng bakuna na ibabahagi sa ibang bansa.

Tinatayang may apat na milyong indibiduwal sa Pilipinas ang nakatanggap ng “one shot” ng COVID-19 vaccine. Kris Jose