1 patay, 1 kritikal sa bus vs traysikel

1 patay, 1 kritikal sa bus vs traysikel

December 6, 2022 @ 12:55 PM 2 months ago


ILAGAN CITY, ISABELA-Patay ang pasahero ng traysikel habang sugatan ang tsuper nito matapos mabangga ng pampasaherong bus na victory liner sa pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. San Juan, Ilagan City, Isabela.

Kinilala ang nasawing pasahero ng tricycle na si Jomar Dela Cruz, 32 anyos habang ang nasugatan ay ang tsuper na si Andres Mora, 33 anyos, may asawa, magsasaka at kapwa residente ng Barangay San Juan dito sa nasabing lungsod.

Habang ang tsuper naman ng Victory Liner bus ay si Nichole Mac Jigger Santaren, 28 anyos at residente ng Linao, Aparri, Cagayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng bus ang daan patungong timog na direksyon habang ang tricycle ay patungo sa hilagang direksyon.

Umagaw umano ng linya ang tricycle dahilan para magbanggaan ang dalawang sasakyan.

Sa lakas ng banggaan ay bumaligtad ang tricycle na naging dahilan ng agarang kamatayan ni Dela Cruz habang nagtamo naman ng malubhang sugat sa katawan si Mora na dinala sa isang pagamutan sa Ilagan City.

Pansamanta nasa kostudiya ng pulisya ang mga sangkot na sasakyan kabilang ang drayber ng pampasaherong bus para sa kaukulang disposisyon. Rey Velasco