1 patay, 10 sugatan sa sumabog na bus sa Sultan Kudarat

1 patay, 10 sugatan sa sumabog na bus sa Sultan Kudarat

November 6, 2022 @ 4:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isa ang nasawi habang 10 ang naiulat na nasaktan makaraang sumabog ang isang hinihinalang improvised explosive device (IED) sa loob ng bus sa Tacurong City, Sultan Kudarat nitong Linggo ng umaga, Nobyembre 6.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), bumibyahe patungong Tacurong City mula Kidapawan City ang bus ng Yellow Bus Line (YBL) nang bigla na lamang sumabog ang IED bandang alas-11:30 ng umaga sa Barangay New Isabela.

Nagmula naman sa City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Tacurong ang bilang ng nasawi at nasaktan samantala ayon sa mga militar, nakatanggap naman sila ng ulat na lima ang nasaktan sa nangyaring pagsabog.

Patuloy pa nilang bineberipika ang naturang impormasyon.

Agad na dinala sa kalapit na St. Louis Hospital ang mga sugatan.

Ani Philippine Army 6th Infantry Division commander M/Gen. Roy Galido, bago pa ang insidente ay nakakatanggap na umano ang naturang bus company ng mga pagbabanta.

“The YBL has been constantly receiving extortion messages ever since and we have been working them,” ani Galido.

“We’re working with the police to do counteraction on possible suspects,” dagdag pa niya.

Nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng YBL upang matunton ang mga posibleng sangkot sa pagpapasabog. RNT/JGC