1 patay, 13 huli sa P14M damo

1 patay, 13 huli sa P14M damo

April 21, 2022 @ 12:32 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang durugista habang arestado ang 13 iba pa na nasamsaman ng P14 milyong halaga ng marijuana sa Cordillera Administrative Region noong nakaraang linggo, sinabi ng Police Regional Office-Cordillera (PROCor) nitong Miyerkules.

Sinabi ni Capt. Marnie Abellanida, PROCor information officer, na P14,854,000 planta ng marijuana ang sinira sa iba’t ibang operasyon sa pagpuksa sa Benguet mula Abril 10 hanggang 16.

Ang Benguet ay isa sa mga lalawigan sa rehiyon kung saan kilala ang mga high-grade na halamang marijuana.

Sinabi ng mga awtoridad na kasama sa pagwasak ang 8,510 fully grown na halaman ng marijuana; 6,800 piraso ng mga punla ng marijuana; at 107,000 piraso ng tuyong dahon at tangkay ng marijuana.

Samantala, 13 drug personalities, kabilang ang isang 17-anyos na lalaki sa Benguet, ay naaresto rin sa parehong panahon sa Cordillera.

Naitala ng Baguio City Police Office ang pinakamaraming naaresto na may pitong drug personalities, habang limang indibidwal ang inaresto ng Benguet Provincial Police Office at isang suspek ang naaresto ng Abra Police.

Sinabi rin ng pulisya na isang suspek ang napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa Mankayan, Benguet. Hindi naman ibinigay ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek.

Sinabi ni Abellanida na lahat ng 13 naaresto ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT