1 patay, 2 nakatakas sa panloloob sa Alfamart

1 patay, 2 nakatakas sa panloloob sa Alfamart

September 9, 2022 @ 1:50 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Mistulang eksena sa pelikula ang nangyaring engkwentro kaninang umaga sa isang sangay ng Alfamart Convenience Store sa Rodriguez, Rizal makaraang magbarilan sa itaas ng bubong ang mga awtoridad at mga suspek.

Sa panayam ng REMATE kay Rodriguez Chief of Police, PCol. Marcelino Pipo, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa punong-tanggapan ng Security ng Alfamart na meron silang namataan sa CCTV sa loob ng Alfamart sa Barangay Burgos ng nasabing Bayan.

Dahil malapit lang din sa lugar ang isang Patrol Car na rumoronda ay kaagad itong pinuntahan.

“Mabilis ang responde ng patrol car kasi nandoon sila sa area tapos nong sinilip ng mga pulis ang bubongan pinutukan sila kaya gumanti ang mga pulis natin,” pahayag ng opisyal sa Remate.

Ayon kay PCol. Pipo, dakong alas-3:30 ng madaling araw kanina (Biyernes) nangyari ang nasabing engkwentro sa bubongan na nagresulta ng pagkamatay sa isang suspek habang nakatakas naman ang dalawang kasamahan nito.

Nakuha sa isang suspek ang isang .38 rebolber habang may mga pera na hindi pa batid ang halaga.

“Yung suspek doon na namatay sa bubongan tapos nakitaan natin ng 38 rebolber at may pera, pero ang pera ay ang Alfamart na mag-inventory,” dagdag na pahayag ng opisyal.

Napag-alaman na taong 2019 ay hinoldap din ang nasabing convenience store.

Sa ngayon ay sinusuri na ang kuha ng CCTV para sa pagkakilanlan ng mga suspek. Toto Nabaja