1 patay, 3 sugatan sa salpukan ng pick-up, trak

1 patay, 3 sugatan sa salpukan ng pick-up, trak

July 10, 2022 @ 1:52 PM 1 month ago


CORDON, ISABELA- Kumpirmadong patay ang isa (1) habang tatlo (3) ang sugatan sa nangyaring salpukan ng pick-up at 10-wheeler truck sa kahabaan ng pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.

Kinilala ang nasawi na drayber ng pick-up na may plakang DAL 2004 na si Lloyd Andrew Erfe, isang architect, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela habang ang iba pang mga sakay na biktima ay sina Rocky Batongbakal ng Jones, Isabela; Christopher Cristobal ng Reina Mercedes, Isabela at Brenzon Jann Salvador Perocho ng Jones, Isabela.

Habang ang drayber ng truck na may plakang CAE 7977 ay nakilalang si Daniel Serrano, 59 taong gulang, may-asawa at residente ng Bulihan, Rosario, Batangas.

Ayon sa mga nakakita sa naturang aksidente ay sadyang mabilis umano ang takbo ng pick-up nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay sumalpok ito sa kasalubong na trak.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Cordon Police Station, posibleng nakaidlip at hindi nakontrol ng drayber ng pick-up ang manibela kaya bumangga ito sa kasalubong na trak.

Parehong wasak ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan kung saan agad na isinugod sa Santiago Medical Center ang tatlong pasahero ng pick-up habang naipit naman ang drayber nito.

Nagtulong-tulong ang mga kasapi ng Diadi Police Station, Diadi Fire Station, Cordon at Diadi Rescue sa pagkuha sa naipit na driver ng pick-up kung saan hindi na ito umabot ng buhay nang siya’y dalhin sa ospital.

Napag-alaman na naghatid ng relief assistance sa mga naapektuhan ng flash flood at landslide sa Banaue, Ifugao ang mga biktima at pauwi na ang mga ito nang mangyari ang trahedya.

Posibleng mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide, Multiple Physical Injuries at Damage to property sakaling magsasampa ng kaso ang pamilya ni Erfe at ng iba pang mga biktima laban sa suspek na pansamantala nasa kustodiya ng pulisya. Rey Velasco