1 patay, 5 sugatan sa pamamaril sa Caloocan

1 patay, 5 sugatan sa pamamaril sa Caloocan

June 16, 2018 @ 7:40 PM 4 years ago


Caloocan City – Isa ang nasawi habang lima naman ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ang mga ito ng hindi kilalang mga suspek sa Caloocan City, kaninang madaling araw.

Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa katawan si Mohina Aluran, 49 ng Block 13, Adjourn St. Senate Village, Brgy. 173.

Ginagamot naman sa Dr. Jose Rodriguez Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sina Roberto Natan, 51, security guard ng La Poblacion San Jose Del Monte Bulaca; Cristina Aluran, 46 ng Senate Village, Brgy. 173; Arnulfo Macayan, 55, security guard ng Block 43 Lot 1 Sapang Palay, San Jose Del Monte; Ricardo Mabborang, 50 ng Block 63 Lo1 Sapang Palay; at Delmar Limbaga, 23 ng Pilot St. Rotary Litex, Commonwealth, Quezon City.

Sa ulat ni PO1 Bayani Auditor kay Caloocan police chief Sr. Supt. Restituto Arcangel, dakong alas-12:10 ng hating gabi, kumakain ang mga biktima sa loob ng bakanteng lote sa Saranay Road, Bagumbong Brgy. 171 nang dumating ang hindi kilalang mga suspek at walang sabi-sabing pinaulanan sila ng bala.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang mga biktima sa naturang pagamutan ng rumespondeng mga tauhan ng PCP-6 at mga barangay tanod.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang 17 basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril, isang 12 gauge shotgun na may 5 bala , 2 cal. 38 revolver at 6 na bala ng mga ito na pag-aari nina Natan at Macayan.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang motibo sa insidente at ang pagkakilanlan ng mga suspek. (Rena Manahan)