1 patay sa Taguig fluvial parade accident

1 patay sa Taguig fluvial parade accident

July 27, 2022 @ 8:17 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki sa banggaan ng dalawang bangka sa Taguig River Festival nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Jester Romero, 30, pasahero ng isa sa mga bangka.

Nang mangyari ang aksidente alas-5:46 ng hapon nitong Martes ay hindi agad mahanap ang biktima kaya nagsagawa ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bantay Lawa.

Pasado alas-6 ng umaga ngayong Miyerkules nang makuha ang labi ng biktima anim na talampakan sa ilalim ng tubig malapit sa isang tulay.

Sinabi naman ng Taguig local government unit (LGU) na ang dalawang bangka na nasangkot sa aksidente ay hindi opisyal na bahagi ng fluvial parade.

Dagdag pa ng LGU na pauwi na sana ang dalawang bangka nang magkabanggaan.

Ang Taguig River Festival ay isang taunang kaganapan na bahagi ng Sta. Ana fiesta.

Nagpahayag ng kalungkutan ang LGU sa nangyaring trahedya ngunit nagsagawa umano ito ng sapat na paghahanda para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga kalahok sa fluvial parade gayundin ang mga residenteng manonood ng parada sa tabing-ilog at sa mga tulay. RNT