1 sundalo, 3 NPA patay sa bakbakan sa Ilocos Sur

1 sundalo, 3 NPA patay sa bakbakan sa Ilocos Sur

August 9, 2020 @ 8:00 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

(UPDATED) ILOCOS SUR – Isang sundalo at 3 miyembro ng New People’s Army ang nasawi habang nasugatan ang iba pa sa nagaganap pa rin na madugong bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at NPA sa bayan ng Sta. Lucia sa lalawigang ito.

Ang bakbakan ay nagsimula sa Brgy. Suagayan bandang 2:00 ng hapon at umabot na rin ito sa Brgy. Sabuanan hanggang sa bulubunduking bahagi ng mga nasabing barangay habang nagtatagal at umabot ng gabi.

Kinilala ni Major Rogelio Dumbrique, spokesman ng 81st Infantry Battalion, ang nasawing sundalo na si PFC Wilfredo Doctor Jr., ng 91IB reconnaissance company habang dinala naman ang ilang kasamahan nitong nasugatan sa Gabriela Silang General Hospital, Vigan City upang malapatan ng lunas.

Kinilala lamang din na medical officer ng NPA ang babae habang bomb expert umano ang isa sa mga lalaki na pawang nasa ilalim ni Ka Nero na lider ng Kilusang Larangang Gerilya-South Ilocos.

Napag-alamang moderno umano ang gamit ng mga NPA at kasama na rito ang paggamit nila ng drone upang matukoy nila ang lugar ng mga sundalo.

Gumamit naman ng mga tangke at airborne na pwersa ang militar mula sa helikopter upang mapalibutan at hindi makatakas ang mga rebelde..

Tumulong na rin ang mga pwersa ng pulisya mula sa Candon City at Sta. Lucia at iba pang pwersa ng militar bilang blocking force sa mga posibleng ruta ng mga rebelde palayo sa lugar ng labanan.

Nagsilikas naman ang mga residente ng dalawang barangay sa mga ligtas na lugar habang lumikha ng matinding trapik sa sasakyan ang giyera lalo’t isinara ang Diversion Road na roon nagsimula ang labanan.

May mga na-trap o hindi nakapagbakwit namang 80 katao sa gitna ng bakbakan ngunit agaran silang hinatiran ng tulong ng grupo ni Sta. Lucia MDRRMO Head Romeo Buenavista. RNT/Rolando Gamoso


  •  
  •  
  •  

Loading...