1 tinamaan ng ligaw na bala sa Bagong Taon- DOH

1 tinamaan ng ligaw na bala sa Bagong Taon- DOH

January 4, 2022 @ 2:40 PM 8 months ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may naitalang isang kaso ng “stray bullet injury” kaugnay sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ayon sa DOH, sa  pinakahuling Fireworks-Related Injury Surveillance, nai-report noong Enero 1 ngunit Enero 3 na nakuha ng Kagawaran ang datos ng ligaw na bala mula sa Philippine National Police (PNP).

Nabatid na isang 23-anyos na lalaki mula sa Muntinlupa City ang naturang kaso na tinamaan ng ligaw na bala noong Disyembre 31, 2021 o bisperas ng Bagong Taon, habang kumukuha siya ng mga litrato sa kalsada kasama ang mga kaibigan.

Nilapatan ng paunang lunas sa bahay bago siya dinala sa Muntinlupa Medical Center, at ni-refer sa UP-PGH kung saan sumailalim sa operasyon. Sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa ang biktima.

Sa kasalukuyan, umakyat na sa 173 ang mga FWRI na nairekord ng DOH, habang wala namang napaulat na firework ingestion o nasawi dahil sa paputok.

Dahil naman sa kwitis ang 39 kaso, habang 26 ay dahil sa walang label o hindi batid na uri ng mga paputok; at ang ibang FWRI ay dahil sa boga, 15 na kaso; luces, 13 na kaso; at 5-star, 12 na kaso.

Nadale naman ang 57 sa mga biktima  sa kamay; habang ang iba ay sa mata, 45 na kaso; ulo, 24 na kaso; braso, 20 na kaso; at binti, 19 na kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden