1 todas sa banggaan ng motor, truck sa Bulacan

1 todas sa banggaan ng motor, truck sa Bulacan

November 17, 2022 @ 3:57 PM 2 weeks ago


Bulacan – Patay ang motorcycle rider habang sugatan ang angkas nito na kapwa umano nasa impluwensiya ng alak matapos sumalpok sa kasalubong na truck sa bayan ng Guiguinto.

Kinilala ang namatay na rider na si Gemar Sia, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. San Jose, Marilao habang sugatan ang angkas na si Aris Mark Iduria.

Sa report ng pulisya, nangyari ang aksidente bandang alas-7 ng umaga nitong Huwebes, Nobyembre 17 sa Bypass Road, Brgy. Pulong Gubat, Guiguinto.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng mga biktima lulan ng Suzuki Sky Drive ang direksyon patungong Brgy. Tiaong nang lamunin ang kabilang linya ng kalsada.

Dahil dito, sumalpok ang mga ito sa kasalubong na truck na patungong bayan ng Plaridel.

Sa tindi nang pagsalpok ay pumailalim ang motorsiklo sa truck na agarang ikinamatay ni Sia habang si Iduria ay isinugod naman sa Bulacan Medical Center para sa paunang lunas.

Sa Facebook video post ng netizen na nagviral, kitang-kita na pagewang-gewang muna ang motorsiklo hanggang sa lamunin ang linya ng truck na kasalubong at tuluyang salpukin.

Nalaman pa sa imbestigasyon na nakainom umano ang mga biktima, ayon na rin sa kanilang kasamahan sa trabaho na nagngangalang JC na kanilang nakainuman bandang alas-4 ng madaling araw hanggang alas-6 ng umaga na dumating sa lugar ng insidente.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang truck driver na si Alex San Antonio Jr, nasa hustong gulang, residente ng Bacao 2, General Trias Cavite na nahaharap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III