10.5M kapalit na COVID vax inihirit ng Pinas sa COVAX

10.5M kapalit na COVID vax inihirit ng Pinas sa COVAX

August 20, 2022 @ 9:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Humiling ang Department of Health sa COVAX facility ng hindi bababa sa 10.5 milyong dosis ng bakuna upang palitan ang mga bakuna na nag-expire na sa Pilipinas.

Sa isang press briefing, sinabi ni officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi hihilingin ng DOH na palitan ang lahat ng doses na nag-expire na kundi para lamang sa mga bakuna na kailangan ng bansa.

“Ang atin pong hiningi palang sa COVAX to replace would be 10.5 million doses. These will be delivered kasama sa ating request ‘yan by month,” sabi ni Vergeire.

Magsisimula aniya ang delivery sa Disyembre at ipagpapatuloy sa Enero at Pebrero para sa pangangaipangan ng nasabing mga buwan.

Nauna nang sinabi ni Vergeire na nangako ang COVAX facility na papalitan ang lahat ng expired at expiring COVID-19 vaccine doses sa bansa, kabilang ang mga binili ng pribadong sektor  at ng local government units.

Kabuuang 4.2 milyong bakuna na aabot sa halagang P5.2 bilyon ang na-expire na bakuna kung saan 3.6 milyon ang Moderna habang 623,000 naman ang na-expire sa AstraZeneca noong Hulyo.

Sinabi ni Vergeire na kailangang dagdagan ang bilang ng mga bakuna sa mga kwalipikadong populasyon upang magamit ang mga bakunang ito.

Sinabi niya na hindi na kailangang bumili ng mga bakuna para sa COVID-19 pansamantala dahil may sapat na stock hanggang sa katapusan ng taon.

“Kailangan yung imbentaryo natin nakikita natin what would be those expiring or near expiring at magamit agad agad ito pong mga bakuna para hindi nasisira,” ani Vergeire.

“We have already started kahit last year pa po itong pagrere-allocate po ng bakuna dahil nga po pagnamomonitor natin na near expiring pinapadala po natin sa mga areas na mataas yung utilization at mabilis makapagmobilize ng ating pagpapabakuna,” dagdag pa niya.

Sa pagdinig ng Senate committee on health and demography noong Lunes, sinabi ni Vergeire na ang bansa ay nag-ulat ng hindi bababa sa 8.42% na pag-aaksaya ng bakuna noong Agosto 12.

Ang 8.42% na pag-aaksaya ng bakuna na ito ay mas mababa kaysa sa 10% na indicative wastage rate na ginagamit ng World Health Organization (WHO).

Sinabi ni Vergeire na ang pinakakaraniwang dahilan ng pag-aaksaya ay ang expiration, operations-related issues kabilang ang mga bakuna na binuksan ngunit hindi nai-inject, spillage, sirang vials, backflow, leftover underdose, at iba pa.

Nauna nang naghain ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros na humihiling ng imbestigasyon ng Senado sa tinatayang P5 hanggang P13 bilyon na hindi nagamit at expired na mga bakuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden