10.7M pamilyang Pinoy, kinokonsiderang mahirap sila – SWS

10.7M pamilyang Pinoy, kinokonsiderang mahirap sila – SWS

March 22, 2022 @ 8:52 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Kumonti ang pamilyang Pilipino na itinuring ang kanilang mga sarili bilang mahirap, base sa isinagawang sarbey ng Social Weather Stations (SWS) sa huling quarter ng 2021.

Ang non-commissioned survey na isinagawa mula Disyembre 12 hanggang 16, 2021, na may 1,440 respondents kung saan lumabas na 43 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagre-rate sa kanilang sarili bilang “mahirap” habang 39 porsiyento ay nag-rate sa kanilang sarili bilang “borderline poor” (sa pagitan ng mahirap at hindi mahirap), at ang 19 percent dito ay nag-rate sa kanilang mga sarili bilang “hindi mahirap” or “not poor.”

“This compares to September 2021 when 45 percent felt poor, 34 percent felt borderline poor, and 21 percent felt not poor,” ayon sa SWS.

Base sa resulta, bumaba sa 10.7 milyong pamilyang Pilipino ang nadama na sila ay mahirap noong Disyembre 2021, kumpara sa 11.4 milyong noong Setyembre 2021, ayon pa sa sarbey.

Samantala, sinabi ng SWS na ang dalawang puntos na pagbaba ng self-rated poor sa fourth quarter ng 2021 ay dahil sa pagbaba sa Mindanao at Metro Manila, na sinamahan ng bahagyang pagtaas sa Visayas at Balance Luzon, o Luzon sa labas ng Metro Manila.

“Compared to September 2021, self-rated poor fell in Mindanao from 58 percent to 43 percent, and in Metro Manila from 34 percent to 25 percent. However, it rose slightly in the Visayas from 54 percent to 59 percent, and in Balance Luzon from 38 percent to 41 percent,” ayon pa rito.

Sa kabilang banda, tumaas ang borderline poor sa Metro Manila mula 30 porsiyento hanggang 47 porsiyento, at sa Mindanao mula 34 porsiyento hanggang 48 porsiyento.

Bahagyang tumaas ito sa Balance Luzon mula 32 porsiyento hanggang 34 porsiyento ngunit bumagsak sa Visayas mula 42 porsiyento hanggang 33 porsiyento.

“Compared to September 2021, not poor fell in Metro Manila from 37 percent to 28 percent. It also fell in Balance Luzon from 30 percent to 25 percent. However, it rose slightly in the Visayas from 4 percent to 8 percent, while it hardly changed in Mindanao from 8 percent to 9 percent,” anang SWS. RNT