10 barangay sa Pasay, drug-free na

10 barangay sa Pasay, drug-free na

July 21, 2022 @ 7:54 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sampung barangay sa Pasay ang idineklara ng local Anti-Drug Abuse Council (CADAC) bilang mga “drug-free” barangay ng lungsod nitong Hulyo 18.

Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagbibigay ng parangal at paggawad ng sertipiko sa sampung idineklarang ‘drug-free’ barangay makaraan ang pagsasagawa ng flag-raising ceremony sa city hall grounds nitong Hulyo 18.

Ayon kay Calixto-Rubiano, kabilang sa sampung ginawarang ‘drug-free’ barangay ay ang mga barangay ng 9, 18, 37, 73, 74, 85, 128, 142, 160, at 161.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na bukod sa 10 barangay na idineklarang ‘drug-free’ ng lungsod ay mayroon pang 88 barangay ang kasalukuyang sumailalim sa validation batay sa mga pamantayan at pagpapatunay na nasasaad sa Resolution No. RONCR-2022-01A-N10 s. 2022 ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing na matatagpuan sa Sec. 12, Board Regulation No. 4 s. 2021.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na bago maideklara ang isang barangay bilang ‘drug-free’ barangay ay kinakailangan na naging matagumpay na nakatugon sa lahat ng hinihingi ng nasabing regulasyon na nakasaad sa nabanggit na resolusyon.

Bukod kay Calixto-Rubiano, kabilang din sa naggawad ng sertipiko sa mga ‘drug-free’ barangay sina Vice Mayor Ding del Rosario at ang Sangguniang Panglunsod, City Police chief P/Col. Cesar Paday-os at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Investigation Agent V Enrique Lucero. James I. Catapusan