10 biktima ng human trafficking nasagip sa Tawi-Tawi

10 biktima ng human trafficking nasagip sa Tawi-Tawi

November 8, 2022 @ 5:56 PM 4 weeks ago


ZAMBOANGA CITY – Nasagip ng mga awtoridad ang 10 biktima ng hinihinalang human trafficking sa isang liblib na bayan sa lalawigan ng Tawi-Tawi noong Linggo.

Ayon kay Col. Richard Verceles, Area Police Command-Western Mindanao operation chief, na-rescue ang mga biktima noong Linggo sakay sa isang wooden-hulled vessel na nakadaong sa pantalan ng Mapun, Tawi-Tawi, na isang isla sa Sulu sea sa timog-kanlurang dulo ng Pilipinas, na matatagpuan malapit sa Sabah at Palawan.

Sinabi ni Verceles na ang mga biktima ay pawang mga lalaki at mga residente ng Labason, Zamboanga del Norte at nakatakdang sumakay sa isa pang barko patungo sa Sandakan City, Malaysia.

Sinubukan hingan ng mga awtoridad ang mga biktima ng kanilang mga dokumento subalit wala man laman silang maipakita.

Nadiskubre ng pinagsamang operasyon ng PNP, Philippine Air Force, at social welfare personnel na walang pasaporte o anumang dokumento ang mga biktima para sa kanilang pagpasok sa Malaysia.

Ibinunyag ng mga biktima na kinuha sila ng isang nagpakilalang “Beth” para magtrabaho sa isang plantasyon ng palm tree kapalit ng malaking sahod sa Sandakan City.

Agad naman dinala sa Mapun social welfare office ang mga biktima habang hinihintay ang kanilang pagbabalik sa Zamboanga del Norte.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad para malaman ang tunay na pagkakakilanlan ng suspek at matunton ang pinagtataguan nito. Mary Anne Sapico