10 Chinese, 14 Vietnamese na ibinubugaw nasagip sa Paranaque

10 Chinese, 14 Vietnamese na ibinubugaw nasagip sa Paranaque

September 28, 2022 @ 12:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasagip ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Intelligence Section (IS) ng Parañaque City Police Station (CPS) kabilang ang mga tauhan ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) at nag-iisang representante ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 24 banyagang babae na di-umano’y mga biktima ng human trafficking nitong Setyembre 26 ng gabi.

Base sa report na natanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo, matagumpay na naisagawa ang rescue operation dakong alas 11:30 ng gabi sa Room 28B at 30B, Caseana Residence, Brgy. Tambo, Parañaque City.

Sinabi ni Estomo na sa isinagawang operasyon ng pagreskyu ay nadakip ang dalawang suspek na di-umano’y namamahala sa lugar na kinilalang sina Du Wei, 36 at Fang Zeng, 28, kapwa Chinese nationals.

Ayon kay Estomo, nag-ugat ang pagsasagawa ng operasyon matapos makatanggap ang Parañaque police ng impormasyon na maraming mga Chinese nationals na kababaihan ang namamataan sa lugar.

Matapos matanggap ang impormasyon ay nagsagawa din ng surveillance operation ang mga tauhan ng IS at nang magpositibo ay kaagad naglatag ang mga operatiba ng rescue operation na nagdulot ng pagkakasagip ng 24 babaeng biktima ng human trafficking na kinabibilangan ng 10 Chinese nationals at 14 na Vietnamese nationals.

Ang mga nasagip na mga kababaihan ay pansamantalang nasa kustodiya ng WCPD Section habang naghihintay sa pagdating ng kanilang interpreter bago ilipta ang mga ito sa pamamahala ng DSWD para sumalalim sa debriefing at counselling.

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 9208 o anti-trafficking in persons act of 2003 ang dalawang suspects na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng Parañaque CPS.

“The rescue of these female foreigners is attributed to the concern of the community in reporting to authorities regarding suspicious illegal activities, individuals or groups within their neighborhood. I also commend our operatives for their immediate action on the report. We assure the public that we will never tolerate any illegal activity in our region whoever the perpetrator may be.” Ani Estomo. James I. Catapusan

 

(Image representation only)