10 dating rebelde, 21 pa binigyan ng lupa sa Leyte

10 dating rebelde, 21 pa binigyan ng lupa sa Leyte

December 19, 2022 @ 11:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa tatlumpu’t isang (31) agricultural tenant sa isang hasyenda sa Calubian, Leyte kabilang ang sampung (10) dating rebelde ang nakatanggap ng kanilang maagang pamasko mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa anyo ng mga indibidwal na titulo ng lupa.

Ayon sa DAR Namahagi si Maximo Castañeda Jr., Municipal Agrarian Reform Program Officer ng 31 indibidwal na certificates of land ownership award (CLOAs), na may lawak na 39.9 ektarya, sa 31 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Barangay Enage kung saan matatagpuan ang mga lupain.

Nabatid na sampu (10) sa 31 ARB ay dating mga rebelde, bilang kontribusyon ng DAR sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 70, series of 2018.

“Providing lands to the landless gives these former rebels the support they need as they start over a new life,” ayon kay Castañeda.

Kaugnay nito ang mga iginawad na sakahan ay bahagi ng 58-ektaryang asyenda na pag-aari ng Caridad Enage na ipatupad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Nagpalakpakan naman ang mga benepisyaryo nang ipahayag ni Castañeda na sa ilalim ng EO No. 4 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinuspinde ng isang taon ang pagbabayad ng mga amortisasyon.

Natuwa rin sila nang ibahagi ni Castañeda na may priority bill ang Marcos Administration na kapag naaprubahan, ay magbibigay daan sa mga ARB upang matanggap ng libre ang kanilang mga lupain at hindi na nila kailangan pang magbayad ng amortisasyon at interes.

Samantala ang biyudo na si Romeo Cuizon, 67, ay nakatanggap ng pinakamataas na tatlong ektarya na maaaring makuha ng isang benepisyaryo. Santi Celario