10 katao nasaktan sa lindol sa Abra – PDRRMO

10 katao nasaktan sa lindol sa Abra – PDRRMO

October 26, 2022 @ 1:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa 10 katao ang naiulat na nasaktan dahil sa magnitude 6.4 na lindol na tumama sa probinsya ng Abra nitong Martes ng gabi, Oktubre 25.

Ito ay ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ngayong araw, Oktubre 26.

“So far, meron tayong anim na individuals na injured sa Lagayan, isa sa San Quintin, at tatlo po sa San Juan,” pagbabahagi ni PDRRMO officer-in-charge Arnel Valdez sa panayam ng DZBB.

Ani Valdez, ang ilan sa mga ito ay nabagsakan ng mga debris sa kasagsagan ng lindol.

Maliban dito, ilang simbahan, munisipyo at tirahan ang napinsala at isinara na rin ang lumang simbahan sa Lapaza.

Sa ngayon ay suspendido ang pasok sa mga paaralan at trabaho sa gobyerno sa Abra dahil sa epekto ng lindol.

Iniulat din na may mga serye ng pagguho ng lupa sa Abra-Kalinga road, Abra-Ilocos Norte at Tubo, Abra. RNT/JGC