10 milyong tiket sa 2024 Paris Olympics maagang ibebenta

10 milyong tiket sa 2024 Paris Olympics maagang ibebenta

November 29, 2022 @ 8:57 AM 2 months ago


PARIS — Maaaring gawin ng mga tagahanga ng sports sa buong mundo ang kanilang mga unang hakbang sa pagkuha ng mga tiket para sa 2024 Paris Olympics sa pamamagitan ng pagsali sa isang draw ngayong linggo, inihayag ng mga organizer noong Lunes.

Makabibili lang ng tiket ang mga taong swerteng mapipili sa draw mula ngayong Huwebes hanggang Enero 31.

Bibigyan ang mga matagumpay na aplikante ng 48-hour time slots sa pagitan ng Pebrero 13 at Marso 15 para makabili ng kanilang mga tiket.

Bukod sa seremonya ng pagbubukas at surfing—na ginaganap sa Tahiti—maaari silang pumili ng tatlong session ng anumang sport, depende sa availability, at mag-apply ng hanggang anim na tiket bawat session.

Kasunod nito, ang ikalawang yugto ng proseso ng ticketing ay para sa mga solong tiket na gagawin mula Marso hanggang Mayo sa susunod na taon.

Sinabi ng mga organizer sa isang pahayag na “sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Olympic, ang lahat ng mga tiket ay ibebenta ng eksklusibo sa isang solong, sentralisado at digital na platform na bukas sa lahat ng mga tagahanga sa parehong oras.”

Sa pamamagitan ng platform na iyon halos 10 milyong mga tiket ang ibebenta—isang milyong tiket ay nagkakahalaga ng €24 ($25) at halos kalahati ay ipapapresyo sa €50 o mas mababa.

“Talagang nais naming gawing unang Games Wide Open ang Paris 2024, at lubos kaming nakatuon sa pagbibigay-buhay sa konseptong ito,” sabi ni Tony Estanguet, Presidente ng Paris 2024 organizing committee.RICO NAVARRO