10 natatanging Pinoy sa arts, sports, science tampok sa PHLPost stamp

10 natatanging Pinoy sa arts, sports, science tampok sa PHLPost stamp

February 28, 2022 @ 7:40 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Naglabas ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng mga bagong selyo o stamp na nagtatampok ng 10 natatanging Pilipino na isang inspirasyon sa kani-kanilang larangan.

Tainawag na “Living Legends – Outstanding Filipinos: Series I,” ang koleksyon ay nagbibigay parangal o kumikilala sa mga matagumpay na indibidwal sa larangan ng teatro at visual arts, agham at teknolohiya, at palakasan.

Ang mga Pilipinong napili para sa bagong koleksyon ay ang mga aktor na sina Nora Aunor, Gloria Romero, Rosa Rosal, at Vilma Santos; at mga siyentipiko na sina Dr. Ernesto O. Domingo at Dr. Baldomero Olivera.

Makakasama nila dahil sa naging impluwensya ng mga ito sa industriya ng palakasan sina bowler Olivia “Bong” Coo at basketball player “El Presidente” Ramon Fernandez. Kumpleto sa 10 ay ang pintor na si Romulo Galicano.

Sinabi pa ng PHLPost na kinilala ang mga ito dahil sa pagpapakita nila ng tunay na kaugaliang Pinoy tulad ng “sipag, tiyaga, malasakit, at pagmamahal sa bayan.”

Ang pagpapalabas ng “Living Legends – Outstanding Filipinos: Series I” ay alinsunod sa paggunita sa ika-75 Anibersaryo ng unang pagpapalabas ng mga selyo ng Republika ng Pilipinas. RNT