10 panggap na NBI agents, timbog sa pagharas sa Tsino

10 panggap na NBI agents, timbog sa pagharas sa Tsino

November 24, 2022 @ 11:15 AM 6 days ago


MANILA, Philippines – Timbog ang 10 katao na nagpanggap na mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at nahaharap sa patung-patong na kaso na serious illegal detention, attempted robbery, usurpation of authority at trespass to dwelling na isinampa ng isang Chinese na negosyante nitong Nobyembre 22.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft ang mga dinakip na suspeck na sina David Tan Liao, 46, travel agency agent; Fritz Ian Petil Cafino, 33, at Ronaldo Cadalena Zuniega, 33, kapwa utility personnel ng Long-Shang Travel Agency; Andy Ko Sy, 50 driver/translator; Erlindo Cuago Auditor, 48, tricycle driver; Roderick Segundo Ensano, 48, taxi driver; Bienvinido Biolango Vildad Jr., 47, driver; Ernesto Solamillo Baay, 45, driver; Roberto Daradar Pacis, 65, messenger; at Jonathan Caliwag Salud, 46, immigration officer.

Bukod sa 10 dinakip na suspek ay pinaghahanap din ng mga awtoridad si Jose Romel Herbolingo Congreso, 50, at apat na hindi pa nakikilalang kasamahan nito na sangkot din sa naturang patung-patong na kaso.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nasakote ang mga suspek dakong alas 9:00 ng umaga sa bahay ng negosyanteng biktima na si Weijian Pan, 33, residente ng Country Club Drive, Ayala Alabang Village, Muntinlupa City nitong Nobyembre 22.

Bago maganap ang pag-aresto ay napag-alaman na lulan ng dalawang sasakyan na Ford Expedition an may plakang NGB3701 at Ford Explorer (NBS6351) ang mga suspek na dumaan sa Madrigal Gate ng Ayala Alabang Village kung saan nagpakilala ang mga ito na NBI agents at inabisuhan ang mga nakatalagang guwardiya sa gate na kanilang bibisitahin ang kanilang kaibigan na naninirahan sa Maria Cristina Street.

Pagdating sa bahay ng biktima ay binantaan ang 19-taong gulang na Chinese interpreter na si Erick Cai, 19, at puwersahang binuksan ang gate.

Matapos makapasok sa bahay ay nilapitan ni Liao si Pan at nagdemand ng halagang P40 milyon kapalit ng kalayaan ng biktima kung saan inabot ng hanggang alas 7:00 ng gabi ang mga suspects sa bahay ni Pan.

Lingid sa kaalaman ng mga suspects ay nakakuha ng tiyempo ang driver ni Pan na si Juvanie Baterna Lapinig, 30, na nagawang makatawag para makahingi ng tulong sa mga guwardiya ng village na siya namang tumawag sa pulisya na agad ding rumesponde sa lugar na nagresulta naman sa pagkakaaresto ng mga suspects.

Ang mga suspects ay naisailalim na sa inquest proceedings sa kanilang kinahaharap na mga kaso sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan