10 patay, 8 nawawala sa bagyong Karding – NDRRMC

10 patay, 8 nawawala sa bagyong Karding – NDRRMC

September 28, 2022 @ 1:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Miyerkules, Setyembre 28 na umakyat na sa 10 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Karding.

Ayon kay NDRRMC deputy spokesperson Raffy Alejandro, ang nadagdag na dalawa sa listahan ng mga nasawi ay mula sa Baliwag, Bulacan at Tanay, Rizal.

Maliban dito, maaalalang nauna nang napaulat ang pagkasawi ng limang rescuers na nalunod sa San Miguel, Bulacan; dalawa ring nasawi mula sa Zambales at isang nasawi sa landslide sa Burdeos, Quezon.

Dagdag pa rito, tumaas rin ang bilang ng nawawala na ngayon ay nasa walo na.

Ang mga nadagdag sa listahan ng nawawala ay ang dalawang indibidwal mula Antipolo City, isa mula sa Patnanungan, Quezon at dalawa pang mangingisda mula Camarines Norte.

Matatandaan na noong Linggo ay nanalasa sa bansa ang bagyong Karding na umabot pa sa super typhoon category. RNT/JGC