10 patay rin sa Pfizer sa Germany

10 patay rin sa Pfizer sa Germany

January 17, 2021 @ 9:47 PM 2 years ago


Germany-Bukod sa 29 na namatay sa Norway, may 10 ring namatay sa Germany makaraang mabakunahan ng Pfizer/bioNTech vaccine.

Ito ang inihayag ng Paul Ehrlich Institute na nagsasagawa na rin ng imbestigasyon sa pangyayari.

Namatay umano ang mga biktimang may edad na 79-93 ilang oras lang o apat na araw makaraan silang mabakunahan.

Bukod sa kanilang edad, may sakit din umano ang mga biktima na malulubha at pinaniniwalaan na higit na namatay ang mga ito sa kanilang sariling mga sakit at hindi sa bakuna.

Subalit inaalam pa nang husto ng mga awtoridad sa Germany kung may kinalaman din ang mismong bakuna sa kamatayan ng mga ito.

Napag-alamang nagsimulang magbakuna ang Germany bago magtapos ang taong 2020 at inuna ang mga matatandang may edad 80 pataas, mga pasyente at staff ng nursing homes at medical frontliner.

Mayroon na umanong mahigit sa 842,000 na nabakunahan at may nadiskubreng 325 nakaranas ng side effects.

Kabilang sa mga side effect ang pagkahilo at pagsusuka at 50 sa mga nakaranas nito ang nasa seryosong kalagayan.

Magkagayunman, sinabi ni Brigitte Keller-Stanislawski, pinuno ng Department of Safety of Medicinal Products and Medical Devices ng nasabing institure, na naayon umano ang mga kamatayan sa kanilang mga inaasahan at sa estadistika na rin ng pagbabakuna sa United States. Fred Cabalbag