10 patay sa karambola ng sasakyan sa GenSan

10 patay sa karambola ng sasakyan sa GenSan

August 5, 2022 @ 1:26 PM 2 weeks ago


GENERAL SANTOS CITY- PATAY ang 10 katao habang apat ang sugatan matapos magkarambola ang tatlong sasakyan kabilang ang isang wing van nitong Huwebes sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Lalaine Joy Labang, 28-anyos, residente sa Brgy. Fatima, GenSan; Mylene Donaldo, 44-anyos, ng Brgy.Calumpang; Carlo Advincula, 30-anyos, ng Crossing Rubber, Tupi, South Cotabato; Noel Podadera, driver ng commuter van, ng Brgy. Klinan, Polomolok, South Cotabato ; Regie Pag-ong, 27-anyos, ng Brgy. Fatima, GenSan; Ryan Jay Niñez, 36-anyos, ng Polomolok, South Cotabato ; Alfredo N. Abatayo, 47-anyos, residente sa Prk. 3 Ladol, Alabel, Sarangani Province ; Cesar Andaya, 42-anyos, driver ng wingvan truck, ng Guihing Relocation, Hagonoy, Davao Del Sur; Salvacion Masugbod, residente sa Zone 7, Block 0, Uhaw, Fatima, GenSan; at Rose Ann Macpal, 30-anyos, Brgy.Labangal, GenSan.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na kinilalang sina Shiela Bantaculo,37-anyos, residente sa Prk. Mapagmahal, Brgy.Baluan ; Regina L. Gadia, 29-anyos, taga Deca Homes, Calumpang, GenSan ; Jerel U. Villaruz, 31-anyos, residente sa Prk. Malambuon Lote Calumpang, GenSan ; at Geraldine U. Villaruz, 30-anyos, ng Malambuon Lote, Calumpang, GenSan.

Batay sa report ng Traffic Enforcement Unit (TEU) GenSan, dakong 3:23 PM naganap ang insidente sa national highway sa Purok 4, Barangay Batomelong, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng tatlong sasakyan ang nasabing kalsada ng biglang sumabog ang gulong ng Toyota Hi Ace commuter van na minamaneho ni Podadera.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela si Padodera at napunta ito sa kabilang linya dahilan para mabangga nito ang ford Raptor na minamaneho ni Elbert Hayag, 44-anyos, ng Malalag, Davao Del Sur hanggang sa sumalpok naman ang wingvan truck na minamaneho ni Cesar Andaya.

Sa lakas ng salpukan halos mayupi ang commuter van at tumalsik pa sa kalsada ang ibang pasahero na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente./Mary Anne Sapico