10 patay sa magdamag na operasyon ng pulisya sa Bulacan

10 patay sa magdamag na operasyon ng pulisya sa Bulacan

August 1, 2018 @ 2:07 PM 5 years ago


 

Bulacan – Sa kabuuan, nasa sampung indibidwal ang napatay ng pulisya sa magdamag na magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Bulacan.

Sa Barangay Santisima Trinidad sa Malolos City, patay ang suspek na si alyas Alden nang manlaban sa ikinasang buy-bust ng mga pulis.

Napag-alamang kabilang si Alden sa barangay drug watchlist at sangkot ito sa serye ng robbery holdup sa lugar.

Sa Malolos City pa rin isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nasawi matapos maka-engkwentro ang mga awtoridad sa loob ng Camella Homes Subdivision.

Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na mayroong tatlong kahina-hinalang lalaki na nag-iikot sa naturang subdivision at nang rumesponde ang mga pulis namataan nila ang mga tatlo na agad nagpaputok.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga lalaki, habang nakatas naman ang dalawa nitong kasamahan.

Sa Barangay Caingin naman sa bayan ng San Rafael, tatlong miyembro ng robbery holdup group ang nasawi matapos mauwi sa engkwentro ang ikinasang dragnet operation ng mga pulis.

3 holdaper patay sa follow up operation na isinagawa ng mga pinagsamang elemento ng Bulacan PIB na pinamumunuan ng PSUPT Castillo sa ilalim ng pangangasiwa ng PSSUPT Chito Bersaluna, Acting Provincial Director, na nagresulta ng pagkamatay ng tatlong holdaper sa Brgy. Caingin, San Rafael, Bulacan matpos na holdapin ang isang establisyimento sa Barangay Tambubong, Martes ng gabi. | REMATE FILE PHOTO | VAL LEONARDO

Pinagnakawan ng grupo ang isang convenience store sa Barangay Tambubong bago tumakas sakay ng isang silver na kotse na dumaan sa by pass exit patungong Maynila subalit naharang sila ng mga pulis.

Sa halip na sumuko ay tinangka nilang tumakas at nangpaputok pa sa mga awtoridad.

Sa Barangay Tawiran, Obando naman ay nasawi si alyas Keng-Keng na isang tulak ng iligal na droga.

Ayon sa pulisya, natunugan ni alyas Keng-Keng na pulis pala ang kanyang katransaksyon.

Sa San Jose Del Monte Bulacan patay ang dalawang suspek na riding in tandem nang maka-engwentro ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group.

Hinihinilang sangkot sa carnpapping at illegal drugs ang mga suspek.

Sa Pulilan, isa ang patay sa buy-bust operation matapos manlaban ang suspek sa mga pulis.

Nakilala ang nasawi sa alyas na Bogart habang nakatakas ang isa nitong kasama.

At sa Baliwag, isang hinihinalang tulak ng droga ang nasawi rin na kinilalang si Mark Chester Manalang matapos manlaban sa operasyon.

Nakatakas naman ang kasama ni Manalang lulan ng motorsiklo. (Jeff Gallos)