10 pulis napikon sa basketball nambugbog ng binata

10 pulis napikon sa basketball nambugbog ng binata

January 26, 2022 @ 11:22 AM 8 months ago


ISABELA-Pasa at sakit sa katawan ang sinapit ng isang binata na binugbog umano ng halos 10 pulis na kalaro sa basketball matapos na magkapikunan sa San Fabian, Echague, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Jayson Macutay, 21 anyos at residente ng nabanggit na lugar.

Sa kwento ni Macutay, magba-basketball sana silang magbabarkada para magpapawis ngunit dumating ang grupo ng mga pulis at nagyayang maglaro na kanilang sinang-ayunan.

Una pa lamang aniya ay agresibo nang maglaro ang mga pulis at amoy alak umano ang isa sa panig ng mga pulis, base sa mga kasama ni Macutay.

Sa kalagitnaan ng laro, na-foul at naipit aniya ang isang pulis na kalaunan ay kinilalang si PCapt. Teresito Calimposan Jr., Commanding Officer ng 205th Manueuver Company ng Regional Mobile Force.

Dahil dito, binalibag umano ni Calimposan ang bola sa likod ni Macutay na siyang gumanti ng suntok sa opisyal.

Dito na umano siya pinagtulungan ng halos 10 pulis, at sinabihan siyang hepe nila ang kanyang sinuntok.

Hanggang sa hindi na siya nakaganti at naramdaman na lang niyang masakit ang kanyang mga braso, tagiliran, mukha at ang pinakamasakit ay ang kanyang ulo hangang hindi na alam ang mga sumunod na pangyayari.

Batay sa medical certificate na inilabas ng Echague District Hospital, nagtamo ang biktima ng Contusion hematoma secondary to mauling.

Nagharap-harap aniya sila sa himpilan ng pulisya ngunit tanging si Captain Calimposan lang ang dumalo kasasama ang isa pang pulis para makipag-areglo.

Sa kabila nito, nanindigan si Macutay na sampahan ng kaso ang mga pulis na nambugbog sa kanya dahil hindi biro ang ginawa sa kanya ng mga pinaghihinalaan.

Samantala, huminigi ng paumanhin si Calimposan Jr. sa ginawa ng kanyang mga tauhan sa biktima at nabigla siya ng sinuntok na siya sa ulo.

Naging dahilan ito upang bugbugin din ng kanyang mga tauhan si Macutay na kanya umanong inawat.

Napag-alamang dumayo ang mga pulis upang makipag-birthday sa kanilang kasamahan hanggang napagkasunduang magpapawis muna ang mga ito sa pamamagitan ng basketball bago kumain sa naturang handaan. Rey Velasco