10 robbery-in band suspects, kabilang ang 2 pulis, arestado

10 robbery-in band suspects, kabilang ang 2 pulis, arestado

April 26, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Natimbog sa dalawang magkasunod na follow-up operations ng pulisya ang 10 kalalakihan, kabilang ang dalawang pulis na mga suspek  sa isang robbery at carnapping incident sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City, noong Abril 24.

Ayon kay P/Col. Jess Mendez, provincial director ng Nueva Ecija Police, naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Nueva Ecija Police at Quezon City Police District dakong alas-6:30 gabi ng Abril 24 ang pitong kalalakihan na sakay ng tinangay nilang SUV na Chevrolet Captiva sa Barangay Marcos Village sa Palayan City.

Nakilala ang mga naaresto na sina Wilfredo Villoga, alyas “Wally”, 49, tricycle driver; Lolito Perez, 42, tricycle driver; Domingo Enriquez, 45, construction worker; Rolando Fajardo Jr., 50, magsasaka; Eduardo Paez, alyas “Macmac”, 35, , tricycle driver; Rodrigo Villamor, 59, construction worker, pawang may mga asawa ng Barangay Marcos Village, Palayan City; at Walter Torres, 49, may-asawa, isang drayber ng Bongabon, NE.

Kasunod nito ay nahuli naman sa isa pang police operation nitong April 25, dakong alas-12:35 ng tanghali sa Barangay San Juan Norte sa bayan ng Cabiao, NE, ang 3 iba pang suspek na nakilalang sina P/Corporal Celso Calibuso Jr., 35, may-asawa ng Brgy. Mapalad, Sta. Rosa, NE; P/Corporal Paul John Hipolito, 39, may-asawa ng Sumacab Sur, Cabanatuan City; at sibilyan na si Gregorio Rivera, 51, may-asawa ng Cabiao, NE.

Nabatid na ang dalawang pulis ay mga miyembro ng Cabiao Municipal Police station.

Ayon kay Mendez, ang 10 nahuling suspek ang nanloob umano sa warehouse ng dalawang Chinese nationals na sina Yancheng Lu, Shanxin Ja, at Pilipino na si Ronald Guanzon sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City.

Narekober sa mga suspek ang ninakaw na sasakyan, ilang mga armas, mga bala, mga granada at cellular phones.

Nakatakdang sampahan ang 2 pulis at 8 iba pa ng kasong robbery-in band at carnapping. Ver Sta. Ana