10 sa 176 bangkay ng PDL na nakatambak sa punerarya, nailibing na – BuCor

10 sa 176 bangkay ng PDL na nakatambak sa punerarya, nailibing na – BuCor

November 11, 2022 @ 12:25 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nailibing na ang sampu sa 176 na bangkay ng persons deprived of liberties (PDL) na nakatambak sa isang punerarya.

Ito ang ibinalita ni Bureau of Corrections Officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. nitong Biyernes, Nobyembre 11.

Matatandaan na nadiskubre ng pulisya ang napakaraming mga bangkay na nakatambak lang sa Eastern Funeral Homes dahil hindi pa ito nakukuha ng kani-kanilang mga pamilya, kasabay ng imbestigasyon naman nila sa pagkamatay ni Cristito “Jun Villamor” Palaña.

Si Villamor ang itinuturong middleman sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

“Ang total niyan ay 176. Sa ngayon, linibing namin, 10. Ang naiwan sa Eastern, 166,” ani Catapang sa panayam ng ANC.

“I assume that they were informed, but unfortunately walang gustong mag-claim,” dagdag pa niya, na tumutukoy sa usapin nang hindi pagkuha ng mga pamilya sa katawan ng mga nasawing PDL.

Idinagdag din ni Catapang na sasailalim pa sa autopsy ang mga natitirang katawan at ilalabas din sa publiko ang pangalan ng mga ito.

Pansamantalang ililibing sa New Bilibid Cemetery ang mga unclaimed cadavers.

Matatandaan na nauna nang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na nakipag-ugnayan na sila sa Philippine General Hospital para sa ikakasang autopsy.

“We will try to locate the families first. Ask their permission, if possible, because we’ll have them autopsied first. If possible just be used for the pursuit of science at the UP College of Medicine,” aniya. RNT/JGC