10 Santo iprinoklama ng Santo Papa

10 Santo iprinoklama ng Santo Papa

May 16, 2022 @ 10:45 AM 1 month ago


VATICAN – Kabilang sa sampung opisyal na ipinroklama ni Pope Francis na bagong mga Santo nitong Linggo ang Frenchman na pinatay sa disyerto, paring Dutch na pinatay sa Nazi concentration camp at Indian lay convert.

Libu-libong tao mula sa buong mundo ang nagsiksikan sa St. Peter’s Square sa Vatican para sa canonization mass, na pinangunahan ng 85-anyos na pontiff at dinaluhan ng mga delegasyon kabilang ang interior minister ng France na si Gerald Darminin at ang pangulo ng Italya na si Sergio Mattarella.

Ang mga larawan ng 10 bagong santo ay nakasabit sa harapan ng pinakamalaking basilica sa mundo.

Hindi tulad nitong mga nakaraang araw, ang Santo Papa — na napapaligiran ng humigit-kumulang 50 cardinals at 300 obispo at pari — ay hindi nagpakita sa isang wheelchair.

Sa ilalim ng mga alituntunin ng Simbahang Katoliko, lahat ng 10 ay na-beatified na, o pinangalanang “pinagpala”, ngunit kailangang maiugnay sa isang himala upang gawin ang huling hakbang sa pagiging santo.

Kasama sa mga bagong santo si Charles de Foucauld, isang sundalong Pranses at explorer, na naging paring Katoliko at nanirahan kasama ng mga monghe ng Trappist sa Syria, sa Palestine, at sa wakas ay kabilang sa mga Tuareg sa disyerto ng Algeria.

Siya ay pinaslang ng mga bandido noong Disyembre 1, 1916, ngunit ang kanyang mga gawa ay lumampas sa kanya at siya ay naging isa sa mga pinakatanyag na tao ng pananampalataya sa France. Jocelyn Tabangcura-Domenden