10 senior police officials na lang ‘di pa nakakapagpasa ng courtesy resignation – PNP

10 senior police officials na lang ‘di pa nakakapagpasa ng courtesy resignation – PNP

January 29, 2023 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa 10 senior police officials na lamang ang hindi pa nakapagpapasa ng kanilang courtesy resignation, sinabi ni Philippine National Police – Public Information Office chief Police Colonel Red Maranan nitong Linggo, Enero 29.

Sa nasabing bilang, tatlo dito ang heneral habang pito ang police colonels.

“Sa ngayon, ang nag-submit ay 941 out of 951. 10 na lang ang hindi pa nagsusumite. Sa 10, 3 ang general, ‘yung 7 ay police colonels,” ayon kay Maranan sa panayam ng DZBB.

Matatandaang ipinanawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos kamakailan ang pagpasa ng courtesy resignation ng mga generals at full colonels ng PNP bilang bahagi ng cleansing sa ahensya sa mga sangkot di-umano sa illegal drug trade.

Ani PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., maghihintay pa sila hanggang Enero 31 upang makapagpasa ang lahat ng senior officers ng kani-kanilang courtesy resignations.

Sinabi naman ni Maranan na nauunawaan niya kung hindi pa nakakapagdesisyon ang ilang opisyal.

“Inuunawa natin dahil ang desisyon na ito ay isang malaking desisyon sa buhay. Hinihintay natin ang kanilang desisyon sapagkat kailangan din nilang kausapin ang kanilang pamilya,” aniya.

“Itong pagsusumite ng courtesy resignation, ang sabi ni PNP chief at SILG, everything is status quo. Kung ano ang normal na ginagawa ng PNP pagdating sa administrative at operational functions, dapat dire-diretso,” dagdag pa niya.

Ayon kay Maranan, sinabi ni Abalos na posibleng matapos sa loob ng dalawang buwan ang evaluation at

assessment sa mga ipinasang courtesy resignation. RNT/JGC