10 tiklo sa P7M smuggled fuel sa Tawi-Tawi

10 tiklo sa P7M smuggled fuel sa Tawi-Tawi

January 29, 2023 @ 1:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang 10 indibidwal matapos makuhanan ng nasa P7 milyon halaga ng smuggled petroleum products sa Tawi-Tawi.

Ayon kay Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao, ang kargamento ay nasabat bandang alas-3:30 ng madaling araw nitong Sabado, Enero 28 malapit sa island town ng Tandubas.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng seaborne patrol ang Police Maritime Group personnel sa Tawi-Tawi nang mamataan nila ang ML Shaira, isang wooden-hulled vessel.

Nang inspeksyunin ay napag-alaman na may sakay itong 10 katao kasama ang 590 drum ng hindi dokumentadong petroleum products na nagkakahalaga ng P7 milyon.

Kinilala ang mga naaresto na sina Kashmeer Abao, 41, skipper; Sajid Hassan, 51, may-ari ng wooden-hulled vessel; Jimmy Pulahan, 48, vessel machinist o mechanic; Hadji Caesar Utuali, 65; Hadji Manuel Kesun, 64; Te Teteng Meran, 32; Gurano Japar, 42; Jamala Hussin, 18; Kolongan Nasilin, 52; at, Raymond Abdul, 23.

Napaulat na nagmula ang petrolyo sa Malaysia at papunta sana sa Zamboanga City.

Dinala na sa headquarters ng Police Maritime Group sa Bongao, Tawi-tawi ang mga arestado, at dinala naman sa Bureau of Customs ang mga smuggled na langis para sa tamang disposisyon. RNT/JGC