100 ASG sumuko; tinanggap ni Abalos

100 ASG sumuko; tinanggap ni Abalos

July 31, 2022 @ 9:34 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. nitong Sabado ang nasa 100 Abu Sayyaf Group (ASG) surrenderers sa Sulu.

Ang pagsuko ng 100 miyembro ng ASG ay pinangasiwaan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa pamumuno ni Maj. Gen. Patrick Villacorte.

Iniharap ni Villacorte ang 100 ASG surrenderers kay Abalos sa isang seremonya sa Sumadja Hall, Capitol Site, Patikul, Sulu.

Kaugnay nito ikinatuwa ni Abalos na ang 100 miyembro ng ASG ay nagpasya na sumuko upang mamuhay ng mapayapang mapansin ang hirap na dinanas nila sa kabundukan at patuloy na tinutugis ng mga tropa ng gobyerno.

“Mula sa kaibuturan ng aming mga puso, maligayang pagdating sa gobyerno at sisiguraduhin namin na ang aming mga anak ay magkakaroon ng isang mas mahusay at mas maliwanag na bukas,” sabi ni Abalos sa seremonya.

Samantala nangako si Abalos na tulungan at tutulong na maisakatuparan ang kagustuhan ng mga sumukong ASG na magdala ng kaunlaran at pag-unlad sa lalawigan ng Sulu.

Nag-turn over din ang mga sumuko ng ilang high-powered firearms, na sinuri ni Abalos sa seremonya.

Si Maj. Gen. Eden Ugale, officer-in-charge ng Area Police Command-Western Mindanao, ang nanumpa ng katapatan ng mga sumukong ASG.

Sina Lt. Gen. Vicente Danao, PNP officer-in-charge, Sulu Governor Abdusakur Tan at iba pang matataas na opisyal ng pulisya, militar, at gobyerno ang sumaksi sa seremonya ng pagsuko ng 100 miyembro ng ASG. Santi Celario