100 bagong grad sa Pasay hahanapan ng trabaho ng NGO

100 bagong grad sa Pasay hahanapan ng trabaho ng NGO

July 9, 2021 @ 11:03 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Tutulungang makapagtrabaho ang100 na bagong nagtapos sa kolehiyo ang sa pamamagitan ng ‘Sulong Pasay’ na isang non-government organization (NGO) sa lungsod.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, inabisuhan siya ng namumunong convenor ng ‘Sulong Pasay’ na si Sergio Ortiz-Luis, Jr. na handang tumulong ang PhilExport, Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at ng Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP) na makapag-undergo ang mga bagong gradweyt ng on-the-job (OJT) training sa mga kumpanya at iba’t-ibang industriya kung saan sa bandang huli ay matatanggap na ang mga ito sa trabaho.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang Public Employment and Services Office (PESO) sa lungsod ay nakikipag-ugnayan sa ‘Sulong Pasay’ para sa kanilang employment program.

Dagdag pa ng mayora na bukod sa mga bagong gradweyt, ang ‘Sulong Pasay’ ay tumutulong din sa mga residente ng lungsod na matinding naapektuhan ng pandemya na dulot ng coronavirus disease o COVID-19.

Sinabi pa ni Calixto-Rubiano na ang naturang organisasyon ay nakakompromiso sa pagbibigay ng mas marami pang oportunidad sa trabaho para sa mga residente na malaki rin ang naitutulong sa unemployment rate ng lungsod. (James I. Catapusan)