100 Boy Scout, Girl Scout nalason sa ginataan

100 Boy Scout, Girl Scout nalason sa ginataan

February 28, 2023 @ 12:15 PM 1 month ago


INDANAN, Sulu – ISINUGOD sa ospital ang 100 katao na kinabibilangan ng 78 estudyanteng menor edad at 22 matatanda matapos malason sa kinain nilang ginataan sa ginanap na 35th Joint Boys Scout at Girls Scout of the Philippines Institutional Camp sa Camp Bud Datu, Barangay Tagbak, Indanan, Sulu.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Colonel Xerxes Trinidad, kabilang sa nalason si Girls Scout Executive Helen Hajan, isang sundalo at mga estudyante na mga edad 9 at 13 na dinala sa Sanitarium Hospital, Integrated Provincial Health Office, at Camp Bautista Station Hospital para lapatan ng lunas.

Batay sa report bandang 3:00PM naganap ang insidente sa nasabing lugar nang ihain ng mga sundalo ang ginataan sa mga dumalo ng camping sa kanilang huling araw.

Subalit, makalipas ang ilang minuto bigla na lamang nakaranas ng pagkahilo at pagsusuka ang mga kumain kaya agad na isinugod sa ospital.

Inaalam na ng militar ang tunay na dahilan pagkalason ng mga biktima at hinihintay na lamang ang resulta ng pagsusuri na ipinadala na mga food sample sa Integrated Provincial Health Office.

Sa ngayon ay nasa maayos na kondisyon na ang mga biktima./Mary Anne Sapico