$100-M military assistance ibibigay ng US sa Pinas

$100-M military assistance ibibigay ng US sa Pinas

October 18, 2022 @ 9:43 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magbibigay ang Estados Unidos ng $100 million foreign military financing sa Pilipinas kasunod ng kanselasyon ng gobyerno sa bilyong-pisong helicopter deal sa Russia.

Nagpasalamat naman si US Ambassador MaryKay Loss Carlson sa Pilipinas sa desisyon nito, sa gitna ng pananakop ng Russia sa Ukraine.

“We’re very grateful to the government of the Philippines for making the decision, especially in the wake of Russia’s illegal attack of the unprovoked war in Ukraine, to cancel the helicopter deal,” ani Carlson.

Inihayag ng Department of National Defense (DND) noong Agosto ang kanselasyon sa pagbili ng Mi-17 helicopters na nagkakahalaga ng P12.797 bilyon mula sa Moscow, kahit pa nakapag-deposito na ng P1.9-bilyon na down payment noong Nobyembre 2021.

Nauna nang sinabi ni Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na maaaring isaalang-alang ng Pilipinas na palitan ng order para sa mga armas ang nakanselang order para sa mga helicopter. Sinabi rin niya na ang Pilipinas ay tumitingin sa pagkuha ng mga heavy-lift na Chinook helicopter mula sa US sa halip.

Ayon kay Carlson, maaaring gamitin ng DND ang pondong $100 million para sa naging gastos sa down payment.

“We have notified Congress of our intent to make available to the Philippines $100 million in military financing which could be used by the Department of National Defense to offset the helicopter purchase for example. But we would not dictate the modernization efforts within the DND,” dagdag pa ni Carlson.

Kung sakaling natuloy ang kasunduan sa Russia, posibleng patawan ng Amerika ng sanction ang Pilipinas sa ilalim Countering America’s Adversaries Through Sanctions Act (CAATSA). RNT