100 pamilya sa Maynila na may maliit na negosyo, dinagdagan ng puhunan

100 pamilya sa Maynila na may maliit na negosyo, dinagdagan ng puhunan

February 3, 2023 @ 7:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot sa 100 pamilyang Manilenyo ang nakatanggap ng cash cards mula sa lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng programang “Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa” sa Manila City Hall, kamakailan.

Pinangunahan nina nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pamamahagi ng cash cards na bahagi ng proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) na naglalayong mabigyan ng karagdagang puhunan ang mga piling maliliit na negosyante na naapektuhan ang kabuhayan sa kasagsagan ng pandemya.

Nabatid na sa bawat benepisyaro na nagmula sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod ng Maynila ay pinagkalooban ng tig-P10,000.00 na magagamit nila bilang karagdagang puhunan sa kanilang maliit na negosyo.

Ang mga napiling benepisyaryo na tumanggap ng cash cards ay pawang nagmamay-ari ng maliliit na negosyo tulad ng sari-sari store, parlors, carinderia, at iba na na halos nasaid ang puhunan bunga ng dalawang taong pandemyang idinulot ng COVID-19.

Karamihan sa mga benepisyarong tumanggap ng cash cards ay sumailalim sa orientation seminar na naglalayong mapalago ng husto ang maliit nilang negosyo.

Umaasa naman sina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto na makakatulong kahit papaano sa mga benepisyaryo ang ibinahagi sa kanilang karagdagang puhunan upang mapalago ang maliit nilang negosyo. JAY Reyes