1,000 ELECTED OFFICIALS PATAY MULA NOONG 2016

1,000 ELECTED OFFICIALS PATAY MULA NOONG 2016

March 10, 2023 @ 1:45 PM 2 weeks ago


MAKARAANG mapatay si Negros Oriental Governor Roel Degamo, iniulat ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na may 927 na elected officials ang napatay mula 2016 hanggang 2021.

Ayon kay  Cong. Barbers, may napatay na 58 mayor, 35 vice mayor, 126 councilor, 402 barangay captain, and 306 barangay councilor habang 163 ang nasugatan.

Tiyak na may napatay kaugnay ng mga halalang 2016, 2019 o giyera sa politika habang napatay rin ang iba sa  giyera sa droga.

‘Yung iba, napatay sa giyera sa terorismo at ang iba sa giyera ng pamahalaan at komunista.

Meron ding mga pinatay sa mga personal o pampamilyag dahilan.

TAONG 2022 HANGGANG MARSO 2023

Kung isasama ang napatay mula 2022 hanggang 2023, hindi kaya aabot na sila lahat sa 1,000?

Sa buong taong 2022 at hanggang Marso 2023, ilan din ba ang napatay?

Ang isa sa mga pina-shocking na pagpatay ay naganap sa loob mismo ng compound ng Ateneo de Manila University, Quezon City.

Pinagbabaril hanggang sa mapatay si Lamitan City Mayor Rosita Furigay noong Hulyo 24, 2022 ng isang doctor na kaaway niya sa politika

Kaugnay ng halalang 2022, kabilang naman sa mga pinatay sina Barangay Councilor Jose Quiros sa Olango Island, Lapu-Lapu City noong Mayo 8.

Pinagbabaril hanggang mapatay naman si Louela Dela Cerna Baringui-an at ang mister nito sa loob mismo ng kanilang bahay sa Brgy. Panadtaran noong Pebrero 13, 2022 sa San Fernando, Cebu.

Kapitana noon si Baringui-an ng Balungag at kakandidatong konsehal ng San Fernando.

Sa Tuao, Cagayan, pinatay naman si Brgy. Sto. Tomas chairman Dante Blanza noong Mayo 24, 2022.

Abril 30, 2022 nang patayin din si Brgy. Alasas Chaiman Alvin Mendoza at tumatakbong konsehal sa San Fernando City, Pampanga.

At heto na nga ang Marso 2023.

May ilan na ring napatay gaya ni Aparri, Cagayan Mayor Rommel Alameda at lima niyang kasamahan sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ilang araw lang makaraan nito, pinatay rin si Negros Oriental Roel Degamo at kasama sa napatay sina Florenda Quinikito, barangay captain ng Fatima, Sta. Catalina; Jose Marie Ramirez, barangay kagawad.

HINDI BIRO-BIRO

Hindi biro-biro ang mga pagpatay o patayang ito.

Akalain ba natin, mga Brod, na wala nang nagdedemanda o nag-a-amicable settlement para malutas ang mga problema.

Dinaraan sa bala ng baril halos lahat ng pagsolb sa problema.

Wala ring batas-batas at kung umiiral man ang batas, sa dulo ng baril ito matatagpuan.

Sa huling kaso, kay Degamo, nagbabala si Pangulong Bongbong Marcos na dapat matigil na ang madugong estilo ng pagresolba sa mga problema.

Hindi pa kasama sa listahan ng mga pinagbabaril ngunit nabuhay ang katulad nina Lanao del Sur
Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. at Montawal, Maguindanao Mayor Ohto Montawal.

Sana nga, magtagumpay ang Marcos government na rendahan ang tuloy-tuloy na patayan sa bansa.