100k OFW makikinabang sa amnestiya ng UAE

100k OFW makikinabang sa amnestiya ng UAE

August 7, 2018 @ 11:21 AM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Makikinabang sa tatlong buwang amnestiya na alok ng pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) ang higit 100,000 overstaying na overseas Filipino workers (OFWs).

Ito ang inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasabay nang panawagan ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa lahat ng mga OFW na overstaying at tumakas sa kanilang mga employer sa UAE na kumuha ng amnestiya at isaayos ang kanilang estado o boluntaryong magpa-repatriate pabalik sa Pilipinas.

Ayon kay Bello, ang alok na amnestiya ay ngayong buwan nagsimula at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Oktubre.

Inaasahang nasa 87,706 na undocumented at overstaying na mga Pilipinong manggagawa ang makikinabang nito sa Abu Dhabi at 14,400 naman sa Dubai.

Sa ilalim ng programang amnestiya, o ‘Protect Yourself via Rectifying Your Status,’ lahat ng dayuhan na lumalabag sa panuntunan sa paninirahan ay binibigyan ng pagkakataon na boluntaryong umalis ng UAE nang walang pananagutan sa batas o gawing ligal ang kanilang estado sa pamamagitan ng pagbabayad ng tama.

Maaari namang humingi ng tulong mula sa Philippine Embassy sa UAE, maging sa Philippine Overseas Labor Office sa Abu Dhabi at Dubai ang mga OFW na nais kumuha ng amnestiya.

Tinatayang mayroong 646,258 documented OFW sa UAE kung saan 224,572 mga OFW rito ay nasa Abu Dhabi habang 421,686 naman ang nasa Dubai.

Makakatanggap naman ng agarang tulong ang mga OFW na nais mapauwi mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kabilang rito ang airport at cash assistance.

Maliban sa mga nasabing tulong, bibigyan din sila ng employment referral para sa local at overseas, livelihood assistance, legal at conciliation service, competency assessment at training assistance sa mga mapapauwing OFW sa ilalim ng DOLE Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood Program). Jocelyn Tabangcura-Domenden