1,031 bagong kaso ng COVID naitala

1,031 bagong kaso ng COVID naitala

December 23, 2022 @ 7:39 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ng 1,031 bagong kaso ng COVID-19 ang bansa sa ulat ng Department of Health nitong Huwebes, Disyembre 22.

Dahil dito ay umakyat na sa 4,059,369 ang kabuuang bilang ng sakit mula nang magsimula ang pandemya.

Ito ay kasunod ng apat na sunod na araw na mas mababa sa 1,000 ang naitatalang bagong kaso ng COVID sa bansa.

Samantala, ang aktibong kaso ay umaakyat sa 16,900 mula sa 16,896 nitong Miyerkules, Disyembre 21.

Nananatiling ang National Capital Region ang may pinakamataas na bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo sa 5,346.

Sinundan ito ng Calabarzon sa 2,339, Central Luzon sa 1,126, Western Visayas sa 624, at Ilocos Region sa 530.

Umakyat naman sa 3,977,297 ang recovery tally dahil sa 870 indibidwal na bagong gumaling.

Tumaas din sa 65,172 ang death toll sa COVID-19 dahil sa 30 bagong nasawi. RNT/JGC